Mon, 26 Oct 2020

'Learner support aides' sa mga low-risk areas suportado ni Gatchalian

Philippine Information Agency
27 Sep 2020, 16:38 GMT+10

LUNGSOD CALOOCAN, Set. 27 (PIA) -- Nagpahayag ng pagsuporta si Senator Win Gatchalian sa balak ng Department of Education (DepEd) na tumanggap ng serbisyo ng mga 'learner support aides' para sa pagpapatupad ng distance learning.

Sa ipinadalang kalatas sa PIA-NCR, sinabi ng senador na pwede nang ipatupad ang pagpapadala ng learner support aides sa mga estudyanteng nasa 'low-risk areas' sa pagbubukas ng klase.

Inihambing ni Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang konsepto ng learner support aides sa 'learning pods'. Ito ay ang pagtitipon-tipon ng mga mag-aaral na hindi lalagpas sa sampu na may hangaring mapanatili ang pisikal na interaksyon na nakasanayan na ng mga bata. Marami kasi sa kanila ang hindi makatagal sa ilang oras na klase sa pamamagitan ng internet. Naging popular ang learning pods sa Estados Unidos dahil hirap ang maraming magulang na tutukan ang kanilang mga anak para sa distance learning.

"Ang aking suhestiyon ay mag-deploy na agad ng learner support aides lalo na't may apat na daang munisipalidad na wala namang aktibong kaso ng COVID-19. Kailangang siguruhin lang natin na ang mga tutors at learner support aides ay susunod sa mga health standards. Alam niyo naman ngayon, ang pag-imbita ng kahit na sino sa ating mga bahay ay maaaring magdulot ng pagkalat ng virus," aniya.

Ayon kay DepEd Undersecretary Jesus Mateo, malapit na nilang matapos ang guidelines para sa pagtanggap ng mga learner support aides, kabilang na ang mga tutors, upang masuportahan ang mga magulang na hindi kayang gabayan ang kanilang anak habang nag-aaral sa bahay. Sabi ni Gatchalian maraming mga magulang ang abala din sa trabaho lalo na ngayong work-from-home ang sistema.

Kung susuriin ang COVID-19 tracker ng University of the Philippines, may 473 na munisipalidad sa bansa ang walang aktibong kaso ng coronavirus. Kabilang dito ang 22 na mga munisipalidad sa Maguindanao, 20 sa Abra, 19 sa Ilocos Sur, 10 sa Ilocos Norte, 22 sa Bohol, 16 sa Sulu, 14 na mga munisipalidad sa Eastern Samar, 16 sa Surigao del Norte, at 14 sa Zamboanga del Norte.

Binigyang-diin ni Gatchalian na sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2, ang ilang bahagi ng DepEd budget na hindi pa nagagasta ay maaari nang gamitin para sa pag-hire ng mga teacher-asssistants. (PIA NCR)

More Denmark News

Access More

Sign up for Copenhagen News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!